Dear Senator,

Ngunit noong naging botante na ako ay
nag-alinlangan na akong iboto ka, sa totoo lang hindi talaga kita
binoto. Hindi kasi talaga palagay ang loob ko sa mga artista na nagiging
politiko bigla. Buwan na ang nakakalipas noong napabalita na isa ka sa
“Big Three” sa Pork Barrel Scandal, na hindi ko naman ikinagulat. Ano ba
ang bago sa ganyang eksena hindi po ba?
Siya nga pala, isa akong Rank and File
employee, matagal na rin akong regular sa trabaho kaya matagal na akong
kinakaltasan ng buwis. Pangatlo ako sa limang magkakapatid, biyuda ang
Nanay ko kaya mag-isa niya kaming itinaguyod mula nang mawala ang tatay
ko. At dahil ako nga ay nakapagtapos na, ako na ang nagpaaral sa kapatid
ko na sumunod sa akin. At dahil isa lamang akong hamak na empleyado,
nagtyatyaga ako sa init at hirap sa pagco-commute makapasok lang sa
trabaho. Kapag kasi umabsent ako ay maaring mabawas sa sweldo ko o kaya
naman ay wala akong makukuhang incentive sa kompanya. Sayang din yun.
Maliit na halaga lamang ‘yun ngunit para sa akin na isa sa tumutulong
magtaguyod ng pamilya, malaking bagay na yun Ser! Minsan kahit
nilalagnat ako, push parin ako sa trabaho masigurado lang na kompleto
ang sahod ko sa kinsenas at katapusan. Minsan, nagtitiis na lamang ako
sa kape sa umaga dahil ‘yung pangkain ko eh pangkain na ng pamilya ko sa
tanghalian o hapunan. Kaya naman minsan, matutulog ako ng gutom.
Ang baha o ulan ay iniinda ko sa pagpasok
kahit naninigas na ako sa lamig. Kung ‘di lang ako babae malamang isa
ako sa mga nakasabit sa jeep kahit na humahagupit ang malakas na buhos
ng ulan. Minsan naawa ako sa sarili ko, gutom na, pagod pa at madalas
pang puyat. Pero ayos na kasi ‘yun kesa walang trabaho.
Paborito kong araw ang payday. Ngunit
alam mo Sir, kapag naglilista ako ng mga bills eh ubos na agad ang
sweldo ko. At mas masaklap, ang laki-laki ng tax ko. Hindi kalakihan ang
sweldo ko, at ang buwis na kinakaltas sa akin ay sobra ng nakakapanlumo
para sa estado ko. Wala naman akong magagawa dahil obligasyon ko ‘yan
sa gobyerno.
Ang masaklap lang kasi, hindi ko nakikita
kung saan napupunta ang binabayad ko. Wala akong nakikitang pagbabago
dahil napupunta ‘yun sa bulsa mo at ng mga politikong walang
konsesniyang magnakaw sa kaban ng bayan. Ninakawan mo ako, kasama na ang
mga kapwa ko empleyado na ngaususmikap magtrabaho para magkaroon ng
disenteng buhay. Ninakawan mo ang mga taong nagluklok sa’yo sa pwesto.
Ninakawan mo ang mga kabataan na hindi pa man nagkakaroon ng
pagkakataong mamili ng leader eh may mga utang na. Ninakawan mo
kami–kaming mga Pilipino na umaasa sa pagbabago.
Noong sumuko ka sa Sandigan Bayan ay
hindi ako napabilib sa ‘yo. Hindi rin ako fan ng musical speech mo sa
Senado. Mas lalong nakaiirita ‘yung attitude mo, na para bang ikaw pa
ang kawawa at inosente. APPEAL TO PITY lang ang peg? Pagkatapos mong
lumangoy sa pera at pandayin ang mga wallet namin, ikaw pa ang may
ganang umarte na kawawa at idadamay mo pa ang Diyos? Tsk. Malaking
opensa yan sa Kanya maging sa pananampalataya ng iba. Pwede bang maging
accountable ka sa mga ginawa mo? Harapin mo ang kaso mo ng may dignidad,
hindi ‘yung nagpapa-awa ka sa madla.
Noong nasa selda ka na, mga simpleng
pagkain na lang ang nakahain sa’yo. Wala na ang magarang hapag gaya ng
nakasanayan mo. Pero maserte ka parin dahil kompleto ang pagkain mo sa
isang araw, liban pa sa selda mong malapit nang mag-transform sa isang
hotel room. VIP na VIP! Samantalang may mga Pilipinong tatlong beses
lang kumain sa isang linggo, walang matirhan at mamatay na sa lamig at
init sa kalsada. Higit pa rito na maging air cooler ay ipapakiusap ng
pamilya mo dahil sumasakit ang ulo mo? Walang wala pa yan sa sakit ng
ulo naming mga niloko at ninakawan mo. Walang wala pa yan sa sakit ng
ulo namin kung paano namin pagkakasyahin ang sweldo naming nakaltasan na
ng buwis na siyang pinapasok mo sa bulsa mo. HIndi mo alam ang magic na
ginagawa namin maka-survive lang sa buhay.
Ang mga ipis, lamok at kung ano pang mga insekto sa selda mo?
Natural lang yan. Huwag ka sanang
mag-expect ng espesyal na treatment dahil may mga kababayan tayo na sa
sobrang hirap eh kulang na lang kainin nila ang mga insektong yan. Huwag
ka din aangal ng “Wag niyo kong babuyin” dahil ikaw–kayo sampu ng mga
politiko ang lumapastangan at nanlamang sa mga kapwa niyo Pilipino.
Hindi ko maintindihan kung bakit ikaw pa ang may nerve na magsabi ng mga
ganyang salita, samantalang ikaw na nga ang nagkasala.
Sana kung ang karakter mo sa pelikula ay
siya din sa tunay na buhay. Hindi mo man mabugbog ang mga kawatan, sana
hindi ka tumulad sa kanila. Hindi mo man mailigtas o maipagtanggol ang
lahat ng naapi, sana ginawa mo sa abot ng kakayanan mo ang maging isang
mahusay na pinuno at mambabatas.
Gaya ng kanta ni Gloc-9, sana sinubukan
mong tumayo para makita mo ang mga kababayan mong nagluklok sayo sa
pwesto. Sana nakita mo ang paghihikahos ng mga Pilipinong ninakawan mo
ng walang kagatol-gatol. Siguro kung nakita mo ang hirap, gutom at
sakripisyo ng mga ordinaryong tao malamang nakonsensiya ka rin siguro
kahit papaano.
Bago ko hanapin ang hustisya, nais kong malaman, nasaan ang iyong konsensiya?
PS: Please, huwag mo nang
tangakaing lumaban sa 2016 Elections. Maawa ka sa amin. Maaaring
nagproprotesta ang mga fans mo at naniniwala sila sa ‘yo hanggang
ngayon. Bilang ganti sa kanilang kabaitan sa ‘yo, huwag mo na silang
linlangin o hikayatin pang iboto ka susunod na eleksiyon.
Source: definitelyfilipino
No comments:
Post a Comment